Ang Munting Paglaki ng Batang Munti

Franchelle Borja
2 min readApr 16, 2023

--

Frankie, 5

“Anong gusto mo maging paglaki, anak?”

“Chef po.”

Mabilis kong sagot sa karaniwang tanong ng mga magulang sa kanilang mga anak. Nasagot ko lamang naman iyon sapagkat natutuwa akong maglutu-lutuan sa munting kanto ng aming hapag-kainan kung saan maayos kong inilalatag ang aking mga laruang panluto.

“Ang ganda ng mga drawing mo anak, ah. Ano bang gusto mo paglaki?”

“Fashion designer nalang po pala!”

“Aba, nagbago ah”

Kadalasang napapagalitan ang batang Frankie sapagkat siya ay makulit, di mapakali, laging nakakabasag ng mga gamit na mas matanda pa sa kaniya, at osyoso sa kaniyang kapaligiran kaya kung saan saan napupunta. Ang totoo ay, gusto lamang naman niyang maintindihan ang mga bagay na pumupukaw sa kaniyang limang pandama.

Bata pa lamang ay marami na akong gustong gawin. Para ba ito sa atensyon? Para matuwa ang mga nakakatanda? Para marinig ang mga salitang “ay ang galing galing naman!” Hindi ko alam. Ngunit bakit parang hanggang ngayon ay ganito pa rin ang estilo ng bente anyos na Frankie? Ang maka kuha ng balidasyon sa ibang tao at hindi mahanap ang tunay niyang gusto sa sarili niyang buhay?

Ngayon, gusto kong sabihin sa limang taong gulang na Frankie na, maaaring magsilbing inspirasyon ang mga taong nagtagumpay sa murang edad ngunit huwag na huwag nating ikukumpara ang ating landas. Sa benteng taon kong nabubuhay, aking naobserbahan na unti-unti nating matututunan at makikilala ang ating sarili hindi base sa kung anong nababasa natin, ngunit sa mararanasan natin sa buhay. Unti-unti tayong matututo sa mundong ito, basta’t ipako lamang natin ang ating mata sa sariling paglago bilang indibidwal sa araw araw na tayo ay nakakasinag ng araw.

Hanggat nahinga, hangga’t buhay, matututo ang batang munti… kahit munti.

--

--

Franchelle Borja
Franchelle Borja

Written by Franchelle Borja

I write cringey poetic rants about my non-existent love life. Mostly written in Filipino.

No responses yet